Mahigit sampung taon na ang nakakaraan nang gawing 28 mula sa dating 31 nung 1976 ang bilang ng letra sa alpabetong Filipino (Pilipino mula 1959-1973, Wikang Pambansa mula 1937-1959). Taong 1937 nung piliin bilang basehan ng pambansang wika ang Tagalog sa tawag na Wikang Pambansa na may 20 letra. Taong 2001 nung kauna-unahang opisyal na nagamit sa mga salitang na isina-Filipino ang apat sa walong natirang banyagang letra (c, f, j, ñ, q, v, x at z) sa makabagong alpabeto. Ang mga "letra" o degraph na ch, ll at rr ang tatlo pang banyagang letra sa alpabeto bago ang 1976.
Sa mga panahong nauso ang mga salitang Filipino na may banyagang letra tulad "jolog", "japorms" at "fafa" hanggang sa kasalukuyan, limitado lang ang paggamit ng mga ito sa scientific at technical terms at mga katutubong wikang Pilipino na may mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x at z tulad ng "ifun", "masjid", "vinta" at "azan". Taong 2007 nang ipinatigil ang paggamit sa apat na ponetikong letra sa alpabetong Filipino. Sa madaling salita, simula 1976 hanggang 2008 (maliban nung 2001 hanggang 2007 para sa mga ponetikong letrang f, j, v at z), nananatiling dekorasyon sa alpabeto ang walong letra nito.
May sariling ortograpiya ang Filipino para maisulat ang pasalitang wika. Pero may mga pagkakataon na hindi mailipat sa pasulat mula sa pasalitang porma ang pambansang wika kahit pa meron itong sariling sistema ng pagsulat. Kaya, imbes na isulat ayon sa natural na pagsasalita, iniiba ito para maisulat-- halimbawa, ang pag-rearrange ng mga salita o pag-violate sa tuntunin. Natural sa Filipino, kahit hindi ito standard o nire-recognize ng Komisyon sa Wikang Filipino ang hindi pagsunod sa sistema ng pagsulat nito:
- paggamit ng linker na "na" sa halip ng "ng" (hal. "activity[ng] ito" nagiging "activity [na] ito" o "itong activity")
- pagiging di-ponetiko o hindi isinusunod sa bigkas ang ispeling sa pagbubuo ng bagong salita (hal. chibog, charing, deadma),
- paggamit ng affix na "ni-" o "ni" (hal. ni-save/ni save, ni-record/ni record, ni-confirm/ni confirm),
- paglagay ng affix sa banyagang salita na hiniram ng buo (hal. hinayjack, shinoot, ticketan, careerin, vinalidate, shumare),
- hindi paggamit ng gitling para ihiwalay ang banyagang salita (hal. nagkoconnect, magrecycle, ipaparesearch),
- paggitling para malagyan ng affix ang banyagang salita na hiniram ng buo (hal. in-announce, in-edit, picture-an),
- bahagyang lang na pagsasa-Filipino o pagpapanatili ng ispeling ng isang bahagi ng salita (hal. kinoach, nagsusuicide),
- pagbawas ng isang bahagi ng banyagang salita at paglagay ng affix (hal. pipicturan),
- pagkabit ng linker na "ng" sa banyagang salitang hiniram ng buo at nagtatapos sa katinig (hal. batteryng [binili], healthyng [bata]),
- atbp.
Mismong ang paggamit ng mga salitang banyaga nang hindi isinasa-Filipino ay hindi pagsunod sa gabay na prinsipyo.
Ang pag-relax sa tuntunin sa paggamit ng ortograpiyang Filipino lalo na sa tiyak na gamit ng walong letra na ginagabayan ng prinsipyong "kung anong bigkas iyon ang ispeling at kung ano ang ispeling iyon din ang basa" ang isang paraan para maging functional ang mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x at z (kahit pwede nang gamitin ang apat dito-- f, j, v at z -- dahil isang tunong lang ang nirerepresent ng mga ito). Sa pamamagitan nito, mas makikita ang kaibahan ng Filipino sa Tagalog at mas madedevelop pa ito.
Magagamit na ang mga letrang f, j, v at z pero hindi ang c, ñ, q at x sa kasalukuyang sistema ng pagsulat sa Filipino. Paano mapare-relax ang tuntunin sa paggamit ng mga letrang ikinokonsider na redundant dahil nagrerepresent ng sobra sa isang tunog na salungat sa pagiging ponetiko ng Filipino?
Sa mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x at z, tanging ang f, j, at v lang ang nagrerepresent ng iisang tunong. Nirerepresent ng letrang c ang mga tunog na /s/ at /k/, letrang ñ ang /ny/, letrang q ang /kw/ at /k/, letrang x ng /ks/ at /z/, at letrang z ang /z/ at /s/.
Sa mga banyagang salitang nagsisimula sa letrang C, tunog /s/ ang letrang ito kapag sinusundan ito ng mga letrang consonant at mga vowel na e at i samantalang nagiging /k/ naman ito kapag sinusundan ng mga vowel na a, o at u. Maaaring gamitin ang letrang c sa pagsasa-Filipino ng mga banyagang salita kapag sisusundan ng vowel na e at i. Samantala, gagamitin ang letrang k para irepresent ang tunong /k/ ng letrang c sa unahan, loob o hulihan ng salita.
- English - 2007 Filipino - CQÑX
- cellular - selyular - celyular
- ceremonial - seremonyal - ceremonyal
- circus - sirkus - cirkus
- canvass - kanbas - kanvas
- confirm - konpirm - konfirm
- cooperative - kooperatib - kooperativ
- cultivate - kutibeyt - kultiveyt
- gimmick - gimik - gimik
- picnic - piknik - piknik
Sa mga banyagang salitang nagsisimula sa letrang Q (na sinusundan ng u), tunog /kw/ ang letrang ito kapag sinusundan ito ng mga vowel. Kalimitang tunog /k/ ito kapag nasa huling parte ng salita (na sinusundan ng u) at sinusundan letrang e. Maaaring gamitin ang letrang q (na sinusundan ng u) sa pagsasa-Filipino ng mga banyagang salitang nagsisimula sa q (at u). Samantala, gagamitin ang letrang k para irepresent ang tunong /k/ ng letrang q sa loob ng salita.
- English - 2007 Filipino - CQÑX
- quality - kwaliti - qualiti
- quiz - kwis - quiz
- quorum - korum - quorum
- quota - kota - quota
- squatter - iskwater - iskwater
- technique - teknik - teknik
Walang banyangang salitang nagsisimula sa letrang Ñ. Samantala, bagamat may mga banyagang salitang ng sisimula sa letrang X, /z/ ang tunog nito. Maaaring gamitin ang letrang x (at ang kasunod na letra o mga letra sa unang syllable) sa pagsasa-Filipino ng mga banyagang salitang nagsisimula sa x at sa mga salitang gumagamit ng letrang ito.
- English - 2007 Filipino - CQÑX
- xylophone - saylopon - xaylofon~xaylofown
- exam - eksam - exam
- maximum - maksimum - maximum
- tax - taks - tax
Hindi dapat gamitin sa mga salitang Kastila ang walong letra dahil may paraan na para sa pagsasa-Filipino ng mga ito. Kaya, hindi magagamit ang letrang ñ sa pagsasa-Filipino ng mga banyaga dahil Kastila lang ang gumagamit ng letrang ito. Gagamitin ng buo at walang pagbabago ang mga salita mula sa mga katutubong wikang Pilipino na may mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x at z.
Masasabing semi-ponetiko ang mga salitang celyular, ceremonyal, cirkus, qualiti at xaylofon~xaylofown tulad sa mga salitang chibog, charing at deadma. Gayun din ang mga salitang nilagyan ng affix sa paraang di-standard o hindi kinikilala ng KWF at nagva-violate sa tuntunin sa ispeling (hinayjack, shinoot, ticketan, careerin, vinalidate, shumare; nagkoconnect, magrecycle, ipaparesearch; kinoach, nagsusuicide; pipicturan; batteryng [binili], healthyng [bata]). Sa pamamagitan ng pagre-relax sa tuntunin sa paggamit ng ortograpiyang Filipino, maililipat sa pasulat na porma ayon sa kung paano ito sinasalita ng mga Filipino ang wikang pambansa, o maisusulat sa paraan ng mga "taal" sa Filipino.
Dahil may access sa English (banyagang wikang kalimitang pinanggagalingan ng mga salita sa Filipino) ang nasa Metro Manila at urban centers ng bansa (lugar kung saan ginagamit ang Filipino bilang lingua franca) , hindi magiging hindrance sa pagbasa o pagkilala ng mga salita ang mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x at z, kundi, magsisilbi pa itong palatandaan para sa mga salitang banyagang hiniram ng buo at nilagyan ng affix, o mga salitang isina-Filipino, mga salitang mula sa mga katutubong wika sa Pilipinas na gumagamit ng mga letrang ito, at mga bagong salitang Filipino na nabuo gamit ang makabagong alpabeto. Palatandaan naman ng mga salitang mula sa katutubong wikang c, f, j, ñ, q, v, x at z sa kanilang alpabeto, at ng mga salitang mula sa Kastila ang di-pagkakaroon ng mga letra ito.
Itutuloy...